2011
– ika-lima na ng umaga. Hindi mo napansin na ang boses niya ang
nakapagmulatsa iyong diwa. Nakahanda na sa loob ng banyo ang iyong tuwalya. Nakabihis
ka na. Naghahanda ka na para sa iskwela. Pagkatapos ng ilang minutong
paikot-ikot sa loob ng bahay, nakahanda ka na para sa isa na namang araw ng
pagbibiyahe nang isang-oras at kalahati, habang siya, nasa labas, naghihintay
mahalikan ka sa noo, at sabihing “Ingat.”
2010
- Dagli kang tumayo sa iyong pagkakaupo - ang upuang
marami-rami tagahanga ng tren ang nakikipagkumpitensya - nang marinig ang
“arriving at Santolan terminal station. Huli ka na. Sabi mo nandito ka na ng
alas sais ng gabi. Alas siyete na. Nagmadali kang bumaba ng hagdan, umalis ng
estasyon, at naglakad patungo sa Petron. Habang naglalakad, naiisip mo ang mga
posibleng mangyari pagdating, ang mga posibleng sabihin sa iyo, ang mga
posibleng
mararamdaman
mo dahil sa palpak mong time management: ang pagpupuyat mo, ang pagpapalipas mo
ng gutom, ang organisasyon mong simula’t sa pul hindi na niya nagustuhang
salihan mo. Nakapasok ka na sa sasakyan. Tahimik ang paligid.
2009-
Agosto. Unang beses mong irepresenta ang iyong iskwelahan, at
mukhang panghuli ‘pagkat malapit ka nang magtapos. Nakatutok ang ilaw.
Nakahanda na ang bawat isa. Handa na rin ang mga manonood sa kanilang mga bias
kung sino sa labindalawang iskwelahan ang pinakamahusay.Tumingin ka sa kanan, tumingin
ka sa kaliwa. Hindi, wala siya para makita ang isang parte ng iyong buhay na
paniguradong ikasisiya niya. May trabaho siya. Naiingit ka sa mga kasama mong
nariyan ang magulang para mapanood sila. Lights, camera, action.
2008
- Nararanasan mo na ang kasiyahan ng pagkakaroon ng barkada.
Napakasarap
ng
pakiramdam ng pagtatanggap sa iyo. Ito ang mga oras na mas nanaisin mo pang
lumabas kaysa nasa bahay lamang. Napansin niya kung gaano kadalas ka nang may
lakad kasama ang mga binabanggit mong pangalang hindi naman niya kilala. Sa
kasamaang palad, hindi siya basta-basta pumapayag. Mahigpit siya. Ikaw naman
kasi ang bunso. Ikaw pa ang nag-iisang babae. Bilang bata, hindi madaling hindi
makuha ang gusto mo. Mas pinapayabong lang nito ang mga batang emosyon. Hangga’t
sa dumating ang panahon na unti-unting lumalawak ang distansya mula sa iyo at
sa kanya. Tila isa itong black hole na dahan-dahang pinapakalimot ang masasaya ninyong
memorya tuwing magkasama.
2006
- Tuwing huling linggo ng buwan, may inaabangan ka sa kanyang
bughaw na plastik bag na ang tagal tagal na niyang ginagamit (maliban na lang
kung mapunit at kailangan ng panibago). Kadalasan, lolokohin ka pa niya,
sasabihing nakalimutan niya ang iyong hinihintay. At makikita niya ang
malungkot mong mukhang nakahaba na ang nguso at sasabihing, “makakalimutan ko
naman ba?” Dagli mong kukunin ang komiks gamit ang iyong mga kamay. Bubuksan mo
ito kasama ang hindi mapintang kasiyahan, habang tititignan ka lamang niya -
nakangiti.
2005
- Nakita mo ang saya sa kanyang mga mata nang umakyat kayo sa
entablado para isabit sa iyo ang medalya bilang isa sa pinakamahuhusay na
estudyante. Mula nung araw na iyon, sinabi mo sa sarili mo, gusto mo ulit
makita ang pinta ng kanyang mukha na iyon. Mangyayari
iyon ulit.
2003
- Naalimpungatan ka. Ngayon lang ang araw na napagtanto mong
hinahalikan ka niya sa noo bago siya pumutang trabaho. Kasama nito ang mga
salitang ikalulugod mo rin kung gising ka sana, “I love you. I love you, anak.
Be a good girl.”
2001
- Kadalasan, may lakad siya sa kanyang day-off. Nakatingin ka
lang sa kanya habang nagpapaikot-ikot siya sa bahay sa paghahanda. Nakita ka niya,
ngumiti, tinanong ka kung gusto mo ba sumama. Tumango ka. Sabi niya sa iyo,
“magbihis ka na.” Humirit ka na gusto mong manood sa sinehan. Iyon ang una at
huli mong pelikula sa sinehan kasama siya.
1998
- Kakatapos niyo lang paagtagpi-tagpiin ang mga parte ng happy
meal ng Mcdonalds. Isa sa mga ginagawa niyo sa kanyang mga libreng oras.
1993
- Pakiramdam mo may gumising sa iyo sa isang mahabang tulog, at
hindi mo mapigiliang umiyak. Umiiyak ka nang umiiyak sa ganda ng liwanag na
unang beses mo pa lang nakikita. May narinig kang boses bukod pa sa boses ng
malambing na babae, na nakikilala mo dahil sa pagbibigay sa iyo ng pakiramdam
na hindi ka mapapahamak dahil nariyan siya. Naramdaman mo ang kasiyahan sa kanyang
tinig na tila inaangkin na niya ang kasiyahan ng buong mundo - isang kasiyahan
na hindi mapapantayan ng kahit anong bagay sa mundo. “Anak, ito na si papa.”
No comments:
Post a Comment